Platform

OFWs Protektado! Kay Toots Ople Tayo!

Kahit wala pa sa pamahalaan, subok na ang kakayahan ni Ate Toots Ople sa pagtugon sa mga suliranin ng ating mga buhay na bayani. Bilang pangulo ng Blas F. Ople Center, natulungan niya ang daan-daang OFWs na maka-uwi at makapagsimulang muli.

 

Noong 2006, tinulungan niyang makalaya ang 17 biktima ng human trafficking sa Damascus, Syria. Dahil rin sa kanyang walang patid na paghiling sa pamahalaan, nagkaroon ng embahada ang ating bansa sa Syria na mabilisang malalapitan ng may 17,000 nating kababayan roon. Naging takbuhan rin siya ng mga asawa ng mga marinong nabihag ng mga pirata sa Somalia.

 

Si Ate Toots ang nanguna upang masampahan ng kaso ang 12 ahensya na bumiktima sa may 137 bus drivers na niloko sa Dubai. Nirescue at binigyan rin niya ng tulong ang mga kababaihang iligal na ipinasok sa Malaysia ng isang sindikato mula sa Singapore. Patuloy ang pagrami ng kasong tinututukan ni Ate Toots at ng Blas F. Ople Center dahil na rin sa mabagal na aksyon ng pamahalaan sa kailangan ng ating mga OFWs.

 

Ang iyong boto para kay Ate Toots ay boto para sa ating mga OFWs, sa kanilang mga pangarap, at sa kanilang mga pamilya. Siya ang Ate ng mga OFWs... Kay Toots Ople Tayo!

 

Manggagawa Aasenso! Kay Toots Ople Tayo!

Tulad ng kanyang amang si Ka Blas na may akda ng Labor Code at Ama ng Overseas Employment, si Toots Ople ay kampeon ng mga manggagawa. Siya ay naging undersecretary ng Department of Labor and Employment sa panahon ni Kalihim Patricia Sto. Tomas at naging ordinaryong empleyado sa Senado.

 

Mariing tinututulan ni Toots ang pag-aabuso sa labor-only contracting o ang pa-lima-limang buwang trabaho at sa ika-anim na buwan ay tatanggalin na. Malaking hadlang ito sa pag-unlad ng kabuhayan ng isang manggagawa dahil mahihirapan siyang planuhin ang kinabukasan ng kanyang pamilya. Isinusulong ni Toots ang pag-amyenda sa batas na sumasaklaw rito at ang pagkakaroon ng isang tanggapan sa DOLE na siyang tututok upang masawata ang paglaganap ng ganitong praktis ng mga kompanya.

 

Ang iyong boto para kay Toots Ople ay boto para sa ating mga ordinaryong manggagawa na baon sa pagkakautang at walang kasiguruhan sa trabaho. Siya ay maka-manggagawa... Kay Toots Ople Tayo!

 

Pilipino Panalo! Kay Toots Ople Tayo!

Isang senador na may kakayahan at matatag na karanasan ang kailangan ng ating bayan. Si Susan “Toots” Ople ay nagsilbi bilang undersecretary ng DOLE, chief of staff ng DFA, at 16 na taong nagtrabaho sa Senado bilang isang researcher. Siya ay nagtapos sa Kennedy School of Government ng Harvard University at pinagkalooban ng Josephine Vernon Award for Excellence in Communication.

 

Isa siyang kolumnista sa Panorama Magazine at Tempo at may-akda ng dalawang aklat: “Hugs, Not Drugs” at “Paalis Ka Na Pala – Patnubay sa mga Baguhang OFWs.” Dating speechwriter ni Senador Ople, Herrera, Magsaysay, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan at naging pambansang kasangguni sa International Labor Organization tungkol sa edukasyon ng kababaihang manggagawa.

 

Ang iyong boto para kay Toots Ople ay boto para sa trabaho, para sa maunlad na kabuhayan, at para sa magandang kinabukasan. Siya ang ating Senador... Kay Toots Ople Tayo!

 

Limang Layunin ni Susan “Toots” Ople sa Senado
  1. Trabaho para sa’yo, trabaho sa bawat Pilipino. Magkaroon ng 6-year national jobs plan para madaling matuntunan kung saan mabuting mag-apply ng trabaho at kung anong skills ang magiging mabenta sa job market sa darating na panahon.
  2. No to contractualization! Mahinto ang pag-aabuso sa labor-only contracting na siyang hadlang sa pag-unlad ng ating mga manggagawa. Proteksyon para sa mga contractual employees sa loob at labas ng pamahalaan at pagtugis sa mga mapang-abusong ahensya na kumikita ng husto sa buwanang suweldo ng mga manggagawa.
  3. Sugpuin ang illegal recruitment at human trafficking. Mapakulong ang mga airport at immigration officials na nagsisilbing “escort” ng mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking. Ipagbawal ang pagsasanib puwersa ng mga kumpanyang nagpapautang at recruitment agencies na lalong nagpapabaon sa utang sa mga bagong OFWs.
  4. Kabuhayan sa iyong pagbabalik. Magkaroon ng OFW Reintegration Council sa bawat lalawigan na binubuo ng pribadong sektor at mga ahensya ng pamahalaan na siyang aalalay sa mga bumabalik na OFWs para makapagtayo ng negosyo o kaya makahanap muli ng trabaho.
  5. Karapatan proteksyunan. Mapabilis ang labor justice sa ating bansa. Itaas ang pamantayan sa pagpili sa mga labor arbiters ng NLRC at hearing officers ng POEA. Madagdagan ang OFW representatives sa Board of Trustees ng OWWA.